PAANO BA NASUSUKAT ANG PAGPAPAKATAO?.. my eulogy to for Mommy
PAANO BA NASUSUKAT ANG PAGPAPAKATAO?
Ang aming Ina ay isang Guro, isang Mabuting kaibigan, Mapagbigay na kamag-anak, simpleng Anak, mapagmahal na asawa at lalo’t higit isang Ina.
Si Mommy susing ay isang GURO - Malalaman mong nasa Room na nya si “Mam Parcarey kapag nakinig mo na ang makinilya”. Isa yon sa talent ng mami, ang mag-makinilya ng hindi nakatingin sa tinatype nya. Bagkus nakatuon sa binabasa nya ang kanyang mga mata. Mahirap para sa ilan pero isa yon sa hinahangaan ng iba kay Mami. Isa syang striktong guro. Ngunit ang hangad lang nya ay matuto ang mga estudyante nya. Lagi nayang pinapa-alala sa amin, sa aking mga kaibigan, sa kanyang mga pamangkin ang kahalagahan ng Edukasyon. Isa sya sa nagpush sa amin lalo na sa kanyang mga pamangkin na mag-aral ng lubos at magtapos alang-alang sa pamilya. Isang mabuting halimbawa ang nangyari sa Buhay ni ate Michelle, Mommy Susing paved the way that made ate michelles destiny.
Si Mami Susing ay isang masayahing KAIBIGAN- kapag tinatanong sya ng mga kaibigan, kumare o mga ka teacher nya na ”Kumusta kana Susing? Ang Sagot nya ay “eto Mabeauty parin” Pinapahalagahan nya ang kanyang mga kaibigan. Sa oras at mga panahon na nakakasama sila, sya ay masaya at sumisigla. Minsan nakita ko ang mga sulat nya dated 2006. Isa yon sa mga draft letters nya sa kaibigan nya noong college pa sila. Naramdaman ko don kung papano nya pahalagahan ang mga kaibigan nya simula noon pa hanggang ngayon.
Si mami Susing ay isang mabuting KAMAG-ANAK - Walang higit na makakakilala sa aming Ina kundi ang kanyang mga kamag-anak. Kung papano sya magalit at mangaral sa lahat ng mga bagay bagay na para naman sa ikabubuti ng lahat. Siya ang tumayo bilang lider ng aming angkan. Sa matagal na panahon sya ang nagsilbing tanglaw sa bawat mumunting pangarap na aming nasimulan. Sya ang isa sa mga nagbibigay ng mga mahahalagang desisyon para sa patutunguhin ng aming angkan. Matagal nya itong ginawa at masasabi kong wala ng ibang makakalampas sa pinamalas ng aming Mommy susing.
Hndi man sya magbigay ng pinakamahal na alahas, hindi man sya magbigay ng pinakamaraming pera, hndi man sya magbigay ng pinakamagarang damit. Pero sya ang magbibigay ng pinakatagos sa pusong pagtulong na walang hinihinging kapalit. Sya ang magbibigay ng pinakapinong kurot at pinakamasakit na bulyaw kapag ang bawat isa sa amin ay may nagagawang mali. Maaaring yon ang kanyang paraan ng paghubog ng mabuting pagpapakatao.
Katulad ng aming Lola Talina, sya ay mahilig magbigay ng pasimpleng dagdag baon sa kanyang mga pamangkin. Nakita ko kung papano nya siksikan ng pasimpleng baon noon si Kitty, nakita ko kung papano sya maging Proud sa achievements ng kanyang mga pamangkin. Nakita ko kung papano nya ipagmayabang ang mga matataas na grades ni Ruby. Nakita ko kung papano nya halikhalikan si Angelica nung Nakatapos ito nung High School. Marami pang kwento ng pagmamahal si Mami paniguradong lahat tayo dito ay may magandang bersyon ng ating mga kwento. At yon sana ang laginataing baunin ang magagandang kwento ng kanyang buhay at pagtulong.
Kung paano sya itinuring na tunay na anak ni Mama Talina kahit hindi nya ito kadugo ay sinuklian nya ito ng pagmahahal at pag-aalaga. Nakita naming magkapatid at ng aking mga pinsan kung papaano inaruga ni Mommy Susing lalo’t higit si Ate Mel ang Mama Talina sa kabila ng kanyang karamdaman. Kung papaano nila pinaramdam kay Mama Talina ang tunay na pagmamahal ng mga anak kahit hindi nila ito kadugo, ay gayon din ang pagmamahal na pinaramdam namin sa aming Ina. Maliit lamang ang aming pamilya, at kayo po mismo ang makasaksi kung papano pinagyabong ng tadhana, kung papaano namin inalagaan at itinaguyod ang Mama Talina at ang kanyang Bahay simula noon magpasahanggang ngayon. Nakita namin sa kanila na ang bawat pagsusumikap ng isang tao upang tulungan ang kanyang mga magulang ay kaylan man ay hindi matatawaran. Ang bawat sandaling inilalaan natin sa ating mga kasama sa buhay ay hndi kaylan man malilimutan at malilipasan. Ang pagtulong sa magulang ay sagradong bagay na taos pusong ginagawa ng bawat isang anak. Hindi dahilan ang kawalan ng salapi o oras para maipamalas mo sa iyong mga magulang ang pagpapahalaga at pagmamahal. Tandang tanda ko noon ang mga sinabi ng mommy. “tulungan nyo ang mga nagtaguyod sa inyo, upang sa gayon itaguyod din kayo ng mga anak ninyo”. Nawa sa paguwi natin pagkatapos ng libing na ito, mahanap ninyo sa puso ang puwang para sa inyong magulang. Sambatin ninyo sa kanila ang “I love you” at “Thank you” para sa pagmamahal at walang sawang pagtataguyod.
Hindi man si Mami susing ang tunay na ginto, pero sya ang natatanging Dyamante ng aming mga buhay. I hope she is proud of us, for what we have become and what we have achieved. I hope I made her proud when I stand against an oppressor. To stand firm on what I believe is right. Ang Bahay, ang pera ang mga palamuti it will all fade, but the memories will live in our hearts, in our souls and in our minds. Wag nating hayaang mawala ang magandang memorya ng isang bahay at ng isang tao. Bagkus pagyamanin natin ito.
Sa lahat po ng nakiramay sa aming pamilya, Sa ngalan po ng angkan ng Aves-Parcarey kasama ang ate Mel, ate Michelle, ate Ten at Daddy. Nagpapasalamat po kami sa lahat. Sa pagpapapamalas nyo ng lubusang pakikidalamhati. We are not here not to celebrate mamis death, but we are here to relive the memories and celebrate her life.
Paano nga ba nasusukat ang Pagpapakatao? Marahil lahat tayo ay may sariling batayan at interpretasyon. Ngunit para sa aming maliit na Pamilya. Ito ay isang tanong na hindi mahirap sagutin, sapagkat si Mommy susing ang isang magandang halimbawa. Wala man na sya ngayon, buhay sa aming mga pagkatao ang kanyang pagtulong at pagmamahal. Ang kanyang pinakamahalang pamana na hinding hindi makukuha nino man.
Comments